Isa akong Martial Law baby. Nasa EDSA din ako tatlumpung taon na nakaraan kasama ang aking pamilya. Bata pa ako noon at siguro di ko lubos nauunawan kung ano ang ginagawa namin sa isang kalyeng punong puno ng mga tao. Basta pakiramdam ko isa itong malaking selebrasyon, sayawan at kantahan.
Makalipas ang ilang taon, pag tapak ko sa paaralan, tinatalakay
ng mga guro ng kasaysayan kung paano napabagsak ang diktatorya at ang rehimeng
Marcos. Kung gaano natatakot ang mga tao noong panahon ng Martial Law. Ngunit
hindi ko ito maugnay sa sarili kong karanasan siguro dahil hindi ko nakita ang takot
na ito sa aking mga magulang. Maaaring ayaw lang nila kami mag-alala o dahil na
din sa aking kamusmusan kaya hindi ko ito napapansin. Basta ang paulit-ulit ko
lang naririnig kapag Pebrero 25 ay ang salitang “democracy”.
Ano nga ba ang “democracy”?
Ito ay isang uri ng
gobyerno o lipunan kung saan pantay pantay ang karapatan ng bawat mamamayan, at
ang patakran ng karamihan ang siyang nangingibabaw. At totoo naman, bawat
eleksyon nagkakaron tayo ng pagkakataong bumoto at ang nakakuha ng pinakamataas
na bilang ay siyang tatayong pinuno. Tunay nga at inihahambing ang demokrasya
sa kalayaan sapagkat sa isang demokrasya, malaya ang tao pumili. Malaya din
mamuhay ng wasto sa ilalim ng batas.
Tatlumpung taon na nakalipas, may pagbabago ba? Isang
kapansin pansin ay ang pagkakaroon ng “freedom of speech”. Kung noon ay hindi
ka makapagsalita laban sa gobyerno, ngayon kahit anong lait mo hindi ka nila
maaaring damputin basta basta. Ngunit ito lang ba ang dahilan ng pagtitipon sa
EDSA? Hindi ba’t demokrasya at kalayaan sa kurap na diktaturya ang sinisigaw
noon? At ngayon nasa atin na ang demokrasya at malaya na din tayong mamuhay, ano
na ang nangyari? Tila nalasing na tayo sa sobrang demokrasya na nakalimutan natin
na may batas at konstitusyon tayong dapat sinusunod. Nakalimutan natin na lahat
ng sobra ay nakakasama.
At dahil sa kalasingan sa kalayaan, ang mga tao ay gagawin na
lang kung ano ang kanilang nais. Dahil sa sobrang demokrasya, may kalayaan ang
mga kurap na pulitiko na magnakaw sa gobyerno. May kalayaan na ang mga
hacienderos at oligarcos na hindi tuparin ang naging kasunduan. May kalayaan na
tumira sa mga kalye at kung saan saan ang mga informal settlers. May kalayaan
magnakaw, holdap, rape, at pumatay ang mga kriminal. May kalayaan na umihi,
dumura, at magtapon ng basura kung saan saan ang mga tao. May kalayaan magcounterflow
at pumarada kahit saan ang mga may sasakyan. May karapatan tumawid kung saan
saan ang mga pedestrian. Nakuha na natin ang kalayaan, nawala naman sa atin ang
disiplina.
Kung hindi natin maibalik ang disilplina at maitanim ito sa
utak ng bawat mamamayan, balewala ang pagiging malaya. Balewala ang pagkakaroon
ng demokrasya sapagkat ang disiplina ang maguudyok sa atin na sumunod sa batas.